“Kape tayo later ha.” Masayang anyaya sa akin ni Iya.
Natuwa ako. Parang biglang lumundag ang puso ko. Kahapon ko pa hinihintay ang pagkakataong ito, katunayan isang linggo na. Iba kasi ang pakiramdam ko kapag kasama ko siyang nagkakape. Parang nasa langit ako at kasalo ko ang mga anghel sa paghigop ng
mainit at malasang kape.
Ang problema ko, sa mamahaling kapehan lagi ang gustong puntahan ng babaing pinapangarap ko. Yari na naman ang bulsa ko nito. Pag ganoong nagyayaya siya, gusto niya siya ang magbabayad. Bakit ba naman kasi ang nasira kong ama pinalaki kami sa yabang? Bilang lalaki, kapag kasama namin ang gustong babae, dapat daw maginoo kami at huwag hahayaang sila ang magbayad ng aming pagsasaluhan. Ganitong madalang pa sa ulan ng tag-araw ang pera sa bulsa ko, tiyak mangungutang na naman ako sa mga dabarkads ko sa organization na kinabibilangan ko. Kung bakit naman kasi ang taas ng taste ni Iya pagdating sa kape. Naisip ko nga, siguro kahit sinunog na bigas lang ang klase ng kape basta si Iya ang kasama ko, parang cappuccino na rin ang lasa nito.
Hapon. Nasa kapehan na ako. Tulad ng dati, hindi ako dapat mahuli. Babaing pinakatatangi ko yata ang katipan ko. Hindi siya dapat maghintay. Ituturing ko siyang prinsesa. Hindi niya dapat maranasan ang anumang discomfort kapag ako ang kasama niya.
Hindi pa ako umoorder. Tambay muna ako sa labas ng kapehan. Nakakahiyang umupo sa mamahaling lugar na yun ng wala man lang kahit tasa sa maliit na lamesa sa harap ko. Ang pera ko ay tama lang sa pandalawang kape. Sana huwag na siyang umorder ng cake! Mahoholdap ko ng di oras ang magfifishball sa dulo. Lumabas ako at naglakad lakad. Nagisip. “Hindi ko pa ba titigilan ang kahibangan kong ito?” Ang sabi ng isang nakakatakot na tinig sa tabi ng utak ko. Ngunit sumabat ang anghel sa dibdib ko, “Ganun talaga pag mahal mo ang isang babae. Gagawin mo ang lahat para sa kanya.”
Lumayo ako ng konti, pero tanaw ko ang kapehan. Baka sakaling dumating si Iya, tatakbo agad ako papunta dun. Anak ng pitong tipaklong, inabutan na yata ako ng katapusan ng libing ni Cory pero ni anino ng babaing gusto kong dalhin sa dambana ay hindi ko pa nakikita. Naaasar na ako! Bad trip na talaga. Uwi na kaya ako. Buti pa manood na lang ako ng balita sa bahay naming, tiyak may dagdag kaalaman pa ako. Narinig ko na naman ang tinig sa dibdib ko, “konting sakripisyo pa! Mayamaya lang naryan na yun. Wait ka lang.” Napangiti ako, tindi magmahal ng dibdib ko. Hanep!
Kumukulo na ang sikmura ko. Ilang saglit pa nakatambay na ako sa fish ball cart at tumutuhog ng apat na pirasong squid ball. Sampung piso rin yun. Pamatid gutom. Mahirap na, baka mamaya habang nagkukuwentuhan kami ni Iya eh, biglang kumulo ang tiyan ko. Isipin niya pa na may alien ang loob ng katawan ko. Mamamatay ako sa hiya, tiyak yun. Pagkatapos ng apat na pirasong squid ball, solve na ang tiyan ko. Mamaya na lang ako babawi ng inom ng tubig, doon sa kapihan. Libre don.
Duda ko tapos na ang news sa t.v. Sunod sunod na telenovela na ang pinapanuood nila nanay sa bahay naming. Na miss ko tuloy ang paborito kong upuan sa salas namin habang umiinom ng instant coffee. Samantalang dito nangangawit na ako sa pagtayo. Paghihintay sa babaing inaasam asam na Makita na agad.
Ilang sandali pa, nakita ko na ang pamilyar na t-shirt. Maong na fashionable at tineternuhan ng rubber shoes na Chuck Taylor. Siyempre pa, ang mukha na hindi ko pagsasawaan na titigan kailanman. Medyo chubby, pero proportion naman ang kanyang katawan. Maikling buhok na lalong nagpatingkad sa kanyang balikat at leeg. As usual, naka back pack, hindi ko pa nga halos nakita na nagshoulder bag ang dalagang ito. Kung hindi back pack, body bag ang dala niya. Bagay naman kasi sa kanya eh. Rugged talaga. Cool ang dating. Habang pinagmamasdan ko siya, tila walang pangit akong nakikita.
Habang pinagmamasdan ko siya, tila dinadala ako sa alapaap ng aking mga panaginip. Nang maalala ko, may tipanan nga pala kami sa kapihan kung san siya patungo. Natigilan ako. Biglang kumilos ang paa ko at mabilis na tumakbo patungo sa direksyon niya.
Humahangos ako ng takbo ng Makita niya ako.
“ Uyy! San ka galing? Akala ko pa naman late na ako. Nauna pa pala ako sa yo eh!” Ang bati niya sa akin. Gusto kong isigaw, ‘kanina pa kaya ako dito! Tinubuan na nga ako ng balbas na dalawang metro ang haba.’ Pero iba ang lumabas sa bibig ko.
“Sorry. May dinaanan pa kasi ako dyan sa kabila.” Ang biglang pagdadahilan ko.
“Ahh, okay lang. halos sabay lang naman tayo eh. Nauna lang ako ng tatlong hakbang sayo.” Kaswal niyang tugon sa paghingi ko ng paumanhin.
“Gusto mong pumasok at humanap ng lugar na pwede nating upuan?” Tuloy tuloy niyang pagsasalita.
Tumalima agad ako. Pumasok at tumingin sa loob. May nakita akong bakante sa may gilid, katabi ng inupuan ko kanina. Buong akala ko ay kasunod ko siya sa likuran ko. May sasabihin sana ako at ituturo ang mesa. Paglingon ko, nakita ko siya sa may counter kausap ang cashier. Paglagay ko ng gamit sa bakanteng upuan, sumunod agad ako sa kanya sa counter.
“ Naloko na!” Nasambit ko sa sarili ko! Nakita kong may inilalagay na cake ang food attendant sa tray. Lumingon ako sa magfifishball.
“Hoy! Halika na. Saan tayo uupo?” Hawak hawak niya ang resibo ng nasa tray. Obviously, bayad na ang order niya. Parang nakahinga ako. Nabunutan ng tinik. Nasalba sa matinding kahihiyan. At sa pagtakas mula sa mga alagad ng batas sa kasong panghoholdap.
Bigla naalala ko ang tatay. Parang nakita ko siya sa likod ni Iya na nanunumbat. At tila ikinahihiya ako bilang anak niya.
“Binayaran mo na? Bakit? Ako ang dapat magbabayad nun. Magkano ang binayaran mo? ” Akmang dudukot ako ng pitaka sa bulsa.
Hinawakan niya ang aking braso, nakangiti at mahinahong binulong, “This time ako na muna ang bahala. Celebration to, sasabihin ko sa ‘yo later.” Sabay hila sa akin tungo sa mesang napili ko para sa aming dalawa.
Aapila pa sana ako para magbayad. Kaya lang baka magbago isip at pabayarin pa sa akin ang bill. Kaya nagpahinuhod na lang ako sa pag-aya niya. Tungo sa lamesa Parang nakita ko ang tatay na nanlilisik ang mata at nakaangat ang kamao sa akin na nagbabanta. Hindi ko na lang pinansin. Hindi naman siguro nakabawas sa aking pagkalalaki ang hindi magbayad ngayon. Saka may iniisip a akong babayarang utang mula sa mga barkada ko. Medyo nakahinga ako ng maluwag.
“Alam mo masakit na talaga ang binti ko, kanina pa kasi ako nakatayo.” Tila paglalambing niyang reklamo sa akin.
Musika sa pandinig ko ang bawat sabihin niya tungkol sa kanyang sarili. Para akong bata na nakikinig sa bawat kwento niya. Hindi yata siya mauubusan ng istorya. At sa tuwing tumatawa sya ng halos wala ng bukas, tumataginting ito sa aking tainga na tila chime na kay sarap pakinggan sa tuwing dumadampi ang hanging malamig sa aking pisngi.
Nagkwento na naman siya tungkol sa pamilya niya. Ang tatay niya na super kulit at ayaw ng magtrabaho dahil matanda na raw. Sapat na raw yung pagtatrabaho nito at tapos na ang tungkulin sa kanila dahil tapos na silang lahat sa pag-aaral. Tutal ang kuya at isa pang kapatid niya ay nasa abroad at nagpapadala ng mga kailangan nila. Kung tutuusin talaga naman kaya na nilang mabuhay kahit hindi na siya magtrabaho. May tindahan pa nga ang nanay niya sa lugar nila, na sapat naman para sa pang araw-araw na pangangailangan nila sa bahay. Maluwag nga sila sa pera. Gusto ko sanang sabihin, ‘bili pa tyo ng cake Iya. Paki bayaran na lang’.
Staff siya sa isang non-government organization na nakabase sa Manila. Tumutulong sila sa mga babaing naabuso, prostitute at gustong harapin ang bukas ng may kakaibang pananaw. Minsan naimbitahan ako ng kanilang grupo para maging Facilitator sa isang teambuilding session. Ipinakilala siya sa akin ng isa kong barkada na kasama rin nila sa organization. Mula noon ay nagging suki na nila akong trainor. At dahil nagustuhan ko rin ang kanilang mga simulain at adhikain, paminsan minsan ay nagvovolunteer din ako sa kanilang activity. Doon lumalim ang aming pagkakaibigan. Kapag nasa office nila ako, siya ang madalas kong kakuwentuhan.
Hanga ako sa dedikasyon niya. Hindi malaki ang sahod niya dito pero tuloy tuloy ang paglilingkod niya. Minsan nga kahit sarili niyang pera ginagamit niya para lang makatulong sa mga inaping mga kababaihan. Malaking factor yun kaya lalong lumalim ang paghanga ko sa kanya. Madalas kapag kasama ko ang mga kaibigan ko ay bukang bibig ko siya sa lahat ng aming kwentuhan. Binibiro na nga ako ng mga yun kasi sobrang in-love na raw ako. Dapat nga raw ay ligawan ko na at magtapat na ako ng aking pagmamahal. Ang sabi ko hindi pa panahon.
Sa tuwing kami ni Iya ay naguusap hindi maiwasang nadudulas ako sa aking damdamin sa kanya. Lalo na kapag pinagusapan na ang mga plano namin sa buhay. Kaya nga alam ko hindi na lingid sa kanya na may lihim akong pagtingin s kanya. Kulang na lang ay pormal ko itong sabihin sa kanya. Humahanap lang ako ng tiyempo, sasabihin ko rin. Natatakot lang ako kasi baka hanapan niya ako ng matinong pagkakakitaan wala akong maipagmalaki sa kanya at sa kanyang pamilya. Kaya matagal ng panahon ang lumipas hindi pa rin ako nagtatapat sa kanya. Puro palipad hangin lang ako. Kuntento na ako don. Basta Makita ko lang sya at makausap. Solve na ako don. Kumpleto na ang araw ko. Maliban don, alam ko wala pa naman siyang kasintahan.
Isang araw sabi ng nanay sa akin, “Anak magmula ng nagbreak kayo ni Katya wala na akong nabalitaan na niligawan mong babae. Sabi ni Dodong may nagugustuhan ka raw, Iyang ba yung pangalan non? Aba’y ano na ang nangyari? Basted ka ba anak?” tuloy tuloy na atake na naman ni nanay. Tinalo na naman si Boy Abunda sa tsismis at dire-diretsong salita.
“Humahanap lang tiyempo, Nay! Pero pasasaan ba at doon din ang punta ko.” Sabay akbay sa nanay ko na hindi halos umabot ang tangkad sa balikat ko.
Plano ko tuloy bago pa mawala sa kalendaryo ang edad ko, siguro panahon na upang kausapin ko si Iya sa Biyernes ng gabi. Sakto, dahil may isang linggong activity kami sakanila, kaya makakasama ko siya ng isang lingo. Aayain ko siyang magkape sa paborito niyang kapehan sa isang mall. Nagcompose na ako ng mga sasabihin ko sa kanya. Mga salitang tiyak magpapaantig ng kanyang damdamin at sasagutin niya ako. Naghanda ako ng pera, kasi sobrang mahal ng kape dun. Kape at cake ang oorderin ko. Kaya lang inabot ako ng kaba ng Lunes ng hapon para imbitahin siya magkape, hindi ko siya naimbita. Kinabukasan na lang, Martes sasabihin ko sa kanya na magkape kami sa Biyernes. Pagdating ng Miyerkules, may isang kaibigan ako na lumapit sa akin at nanghiram ng pera, nasa hospital daw ang tatay niya. Naawa naman ako, binigay ko ang pangkape namin ni Iya. Napurnada ang panggastos ko.
Kaya ng dumating ang Huwebes, naisip ko baka sa susunod na pagkakataon na lang siguro. Nang araw na yun, ng magpaalam siya sa akin, nalungkot ako dahil tila lumampas na naman ang isang pagkakataon.
Biyernes, bago mananghalian. Habang inaayos ko ang mga gamit ko para mag pack mamaya. Lumapit sa akin si Iya at inanyayahan akong magkape. Magcelebrate daw kami. Nagustuhan niya siguro ang resulta ng week long activity sa organization nila.
“ So, ikaw naman. Kumusta ka na?” Ang excited na tanong niya sa akin.
“Walang bago. Ganun pa rin.” Tugon ko sa kanya. Kumukuha lang ako ng tiyempo. Mayamaya magtatapat na ako ng aking damdamin.
“Di ba plano mong magturo at gawing bread and butter ang patuturo. Kasi dib a sooner or later magkakapamilya ka na, magkakaroon ka ng mga anak. Siyempre, kailangan mo ng stable source of income.” Aniya.
Napangiti lang ako sa tinuran niya. Sa loob loob ko, gusto kong sabihin sa kanya, ikaw nga yung gusto kong maging ina ng aking anak. Oras na siguro para sabihin ko sa kanya. At ng tiyempong sasabihin ko na,
“Iya, may sasabihin sana ako sa iyo……..” Paguumpisa ko. Bigla parang nanuyot ang lalamunan ko, parang naubusan yata ako ng tubig sa katawan. Naalala ko iinom pa nga pala dapat ako ng tubig kasi kumain ako ng sandamakmak na squid ball na walang panulak. Nagpaalam ako saglit para uminom at kumuha na rin ng buwelo. Pagbalik ko, tila lumakas ang loob ko para sabihin sa kanya ang lahat ng nasa loob ko na itinago ko sa kanya ng mahabang panahon.
“Ano nga yung sasabihin mo. Bigla ka kasing nasamhid eh. Ano bang kinain mo at parang nakabara dyan sa lalamunan mo? Hahaha!” Masaya niyang sabi sa akin pagkagaling ko sa water station.
“Matagal ko na sanang gustong sabihin ito sa yo.” Umpisa kong sabi sa kanya.
“Noon pa man ay itinago ko to sa’yo. Pero siguro panahon na upang malaman mo na mahal kita Iya. Ikaw lang ang babaing nagpapatibok ng puso ko. Laman ka ng isip at puso ko araw at gabi. Wala lang akong lakas ng loob para sabihin sayo. Pero ang totoo, mahal na mahal kita, Iya. Ikaw lang at wala ng iba.” Ang pagtatapat na malupit.
Nakatitig lang siya sa akin. Hihintay ko ang reaksyon niya sa mga sinambit ko na talagang galing sa puso ko.
“Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin yan?” Ang tanging pangungusap na lumabas sa kanyang mga labi’
Nagtaka ako. Natigilan. Naghintay ng mga susunod niyang sasabihin sa akin.
“Akala ko kasi wala ka ng plano magtapat. Akala ko may iba ka ng minamahal at hindi ako ang tunay mong gusto.” Halos nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.
“Tinanggap ko ang imbitasyon ni kuya na pumunta sa States at doon na magtrabaho. Kaya nga sabi ko celebration natin ito.” Dugtong niya
“I am Sorry!……” Pinal niyang sabi sa akin.
Parang binuhusan ako ng malamig na tubig at nanigas ako na tila yelo…Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko. Parang gusto kong tumakbo ng malayong malayo. Hanggang sumuko ang paa ko at tuluyan akong igupo nito sa kawalan. Tila nawala ang kaluluwa ko at lumipad sa kawalan at parang ayaw ng bumalik pang muli sa aking katawan. Pilit kong inapuhap ang isip ko, di matagpuan at ilang sandali pa ay mawawalan na ako ng ulirat. Parang may balaraw na tumarak sa aking puso, at may likidong pilit na lumalabas mula dito. Sa sobrang sakit na hatid nito.
Mabuti na lang at hinawakan niya ako sa balikat. Kaya bumalik ako sa aking dating sarili.
“Enzo…..! Bakit ngayon ka lang nagsabi? Hinintay kita noon eh. Akala ko tuloy hindi ako ang gusto mo.” Muli niyang sabi sa akin.
Naramdaman ko na lamang ang likidong umusbong mula sa aking dibdib ay lumabas sa aking mga mata ngayon ay tumutulo sa aking pisngi. Nasaktan ako ng sobra. Masakit. Tila sumikip ang paghinga ko.
“Minahal mo ba ako?” Kahit hirap ako magsalita ay pinilit kong itinanong yun sa kanya.
“Alam ng Diyos na minahal kita!” Tugon niya na umiiyak na rin.
Kahit paano ay lumuwag ang pakiramdam ko sa tinuran niya. Nakatulong ng hindi niya nababatid.
“Ngayon ba wala na ako dyan sa puso mo?” Dagdag ko.
Ngumiti siya kahit hilam sa luha ang kanyang mga mata. Ngunit wala ni isang salita ang lumabas mula sa kanyang bibig.
Napansin ko na maraming tao na ang nakatingin sa amin. Ngunit wala ni katiting na hiya ang naramdaman ko. Kahit sino pa ang tumingin ipagsisigawan ko sa mundo. Mahal ko si Iya!
“Iya, mahal na mahal kita!!”
Niyakap niya ako bilang tugon sa sinabi ko. Niyakap ko rin siya sa harap ng maraming tao sa loob ng kapihan.