Ang Kaguluhan sa Isipan ni Vel

“Vel! Long time no see! Tagal mong nawala! San ka ba nagsusuot at di kita nakita ng matagal? Kamusta na?” Sunod sunod na tanong at kinamayan ko sya at tinapik sa balikat.

“Ok lang ako Pas. Medyo naligaw ng konti.” Nahihiyang kinamut-kamot ang likod ng kanyang ulo. Hindi siya tumitingin ng diretso sa mga mata ko.”

Tinitigan ko sya, tinantiya kung ano ang susunod na gagawin. Nasa center kami ng Tondo nung oras na yun. Bumisita ako sa center para kausapin ang ibang trainees, nagkataon na naroon siya at napadaan din. Nasa kuwarto siya ng ako ay dumating. At nang nalaman nyang naroon ako, sinubukan nyang tumalilis. Pilit siyang umiiwas sa akin. Nahihiyang ako’y harapin at kausapin. Subalit nasukol ko siya ng sandaling iyon.

“Nahihiya ako sa ‘yo Pas, eh. Hindi kasi ako nakapagpaalam ng maayos.” Pag-amin niya, nakayuko na tila may hinahanap sa sahig.

“Oo nga eh. Hinanap kita. Sinabihan ko na nga din ang mga pinsan mo at si Nanay para hanapin ka sa bahay ninyo sa Permanent Building sa Tondo. Pero di ka nila matagpuan.”

“Sorry po Pas….” Paumanhing sabi nya.

“Okey lang Vel, nauunawaan ko? Ano ngayon ang plano mo?” Lumingon sya sa malayo at pinaling-paling ang ulo.

“Bahala na po Pas. Hindi ko alam. ” At ngumiti siya, marahil iniisip-isip ang resulta ng pagkakamali

Nagsimula siyang mag-aral sa Kolehiyo pagkatapos niyang makapasa sa Alternative Learning System Examination, programa ito ng gobyerno para sa mga hindi nakatapos ng high school at elementary, dalawang taon na ang nakakalipas. Lumabas siya sa center noong Setyembre. Walang konkretong dahilan ang kanyang pag-alis. Sabi ng mga kasama niya, dahil na-inlove daw sa isang babae na naging kaklase niya sa kolehiyo.

Bago ang pangyayari ng pagtakas, si Vel ay isa sa mga magagaling na leaders ng residential center. Maayos ang tindig at matalino. Totoong charismatic leader, halos lahat ng nasa center ay tinitingnan siya na may paggalang. Sumusunod sila sa kanya kung ano ang kanyang sabihin. At siyempre, isa siya sa mga paborito ng mga houseparents at ng ibang staff ng Onesimo. Madali siyang nakakahalubilo sa mga grupo ng kabataan, madali siyang nakakapasok sa kanila. Responsible at walang angal na sinusunod ang mga ipinagagawa sa kanya.

Noong nakaraang taon, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap siya ng malaliman. Kasagsagan ng kanyang pagiging leader sa summer youth camp sa Puerto Galera. Akala ko, isang simpleng kwentuhan lang. Nagsimula ito nang ikuwento nya ang tungkol sa kanyang pamilya, ang kanyang mga naging karanasan sa buhay, at maya maya pa, ang kwentuhan ay naging tila counseling session dahil sa pagkakaroon nya sama ng loob sa kanyang ama.

“ Natuto akong magbisyo sa murang edad. Natikman ko halos lahat ng bisyo. Konti na lang talamak na ako. Bago ako maging isang drug adik, isa sa batang Onesimo ang kumausap sa akin at ipinaliwanag ang kanyang buhay ditto sa Onesimo center. Dati ko siyang kasangga sa gang. Ang kinagulat ko, bigla siyang nagbago, talagang ibang ibang bata na siya. Inimbitahan nya ako at dinala sa Work Camp. Sumali agad ako sa kanila. Simula nuon, naging isa na ako sa kanila. Ang takbo ng buhay ko ay gumanda, umayos. Mula noon ay nagpasalamat ang mga magulang ko sa Onesimo.” Tuloy tuloy niyang kwento sa akin.

Nahinto ang kanyang pagkukuwento nang sinabi kong hindi ang Onesimo ang nagpabago sa kanya, kundi si Hesu-Kristo.

Isang taon pagkalipas nyang sumali sa programa ng Onesimo, napansin ng mga center parents na siya ay responsible at magaling na leader. Bagamat hindi pa ganap na leader dahil bago pa lang, naatasan sya ng marami tungkulin na tanging mga leaders lang ang gumagawa. Sa totoo pa nga, nang ang Onesimo Kids ay naghahanap ng mga responsableng volunteer na tutulong sa ministeryo para sa mga Kids, inirekomenda ko sya. Nanatili siya duon ng ilang buwan.

Makalipas ang isang taon, nagkaroon ng problema ang kanyang mga magulang na muntik nang ikawasak ng kanyang pamilya. Sinubukan ni Vel na pumagitna sa away ng kanya nanay at tatay. Minabuti niyang ayusin ang away ng kanyang mga magulang dahil ang kanyang mga kapatid ang naaapektuhan sa madalas nilang pagtatalo. Pero lumala pa ito dahil ang kanyang ama diumano ay may ibang babaeng kalaguyo, ngunit tila walang pakialam ang kanyang ama. Naging madalang ang pagsuporta nito sa pangangailan ng kanyang pamilya. Kinausap ni Joevel ang kanyang ama tungkol dito, pero dahil sa pride ng kanyang ama, hindi naayos ang gusot bagkos, higit pang lumala. Ito ang nagtulak kay Vel para mamuhi sa kanyang ama. Naikwento pa ni Joevel ang pananakit ng ama sa kanya dahil sa pakikialam nito sa kanyang personal na buhay at ginagawa

Pinayuhan ko siya. Kahit na anong mangyari, kailangan niyang i-respeto ang kanyang ama at suportahan ang kanyang ina. At ipinanalangin ko siya. Simula nuon kapag may pagkakataon, nag-uusap kami tungkol sa kanyang ama. Dumating ang panahon, naging abala na siya sa kanyang pag-aaral at bihira na kaming makapag-usap.

Ang buong akala ko, maayos ang lahat sa kanyang pag-aaral hanggang sa nalaman kong hindi na siya nagpapasok sa klase nya sa Polythecnic University of the Philippines. Kinamusta ko siya sa kanyang mentor noong nakaraang taon at doon ko nalaman na huminto na si Vel at nag-drop na sa lahat niyang klase. Sinabi ng kanyang mentor na bumalik na daw siya sa kanyang pamilya at hindi na nagpakita pa. Hindi rin nagpaalam.

Kinausap ko si Jessa, ang aming social worker, para hanapin at i-encourage na bumalik sa school, pero hindi sya nakita. Kinauusap ko ang kanyang pinsan, na nasa program din, para mahanap. Ngunit bigo din. Sinabi sa akin na nangyari yun dahil sa isang matinding dahilan ayon kay Jeffrey, ang kanyang pinsan. Napag-isipisip ko, marahil dahil sa frustration niya sa kanyang sariling ama ay napahamak siya.

Noong nakaraang Disyembre, nang makilala ko ang mga magulang ni Vel sa Onesimo Retreat Parent. Kinausap nila ako kung pwede pang bumalik si Vel, pero tatlong buwan nang nakalipas nang umalis ng walang paalam si Joevel sa program. Bukod pa dun, hindi niya tinapos kahit na isang taon ng pag-aaral sa kolehiyo. Scholar siya ng Foundation. Yung mentor niya ay sinubukan siyang himuking bumalik pero di nya ito binigyan ng pansin. Sinabi ko sa magulang ni Joevel na kailangan ko munang kausapin ang mga leaders ng Onesimo staff upang makuha ang kanilang mungkahi. Pagkalipas ng ilang araw, sinabi ko sa magulang ni V na makipagkita siya sa amin at bumalik ng center. Hinintay namin siya pero hindi naman nagpakita.

Lalo pang naging malala pa ang sitwasyon nang makipaglive-in siya sa isang babae, at nabuntis ito. Kaya kailangan niyang panagutan ang mag-ina. Lalo siyang nalubog at hindi na nakabalik sa programa ng Onesimo. Nag-asawa na siya at nagkaroon na ng sariling pamilya.

Nang gabing iyon sa center ng Tondo, nakausap ko siya nang masinsinan at tinanong. “Anong nangyari sa iyo? Ano na ang nangyari sa usapan natin sa Puerto? Di ba tatapusin mo ang pag-aaral mo.”

“Mabilis ang pangyayari, di ko talaga alam, Pas. Naging magulo ang isip ko mula ng mag-away kami ni Papa.” napayuko siya at nagkuyom ang mga kamay,

“Sobrang hiyang hiya ako sa inyo, kay Nanay Jessa, Sir Poy at sa buong Onesimo. Kasi ang taas ng expectations ninyo sa akin eh. Tapos binigo ko kayo.” Aniya na tuluyan ng umagos ang luha mula sa kanyang mga mata.

Naupo ako sa sa tabi nya. Inakbayan ko siya sa balikat. Pinilit ko siyang i-comfort. Sinabi ko na laging may pag-asa sa buhay. Manangan lang kay Hesus.

Nanalangin kami. Hiniling ko sa Diyos na kahabagan lalo si Joevel kahit na nakagawa siya ng maling desisyon at pagkakamali sa buhay. Natapos ang panalangin. Tahimik lang siya.

“Pas, alis na ko. Tapos na ako dito. May aasikasuhin pa ako sa amin.” Tumayo siya. Nagkamayan kami at ngumiti siya sa akin. At dire-diretso sa pintuan. Ilang saglit pa, nasa labas na siya. Biglang kumislot ang puso ko….

“Vel” sigaw ko. Tumigil siya sa paglakad at lumingon sa akin.

“Huwag mong kakalimutan ang natutunan mo sa Onesimo. Alam mo na ang liwanag. Minsan sa iyong buhay, nalaman mo ang dilim ng buhay, ngayon magpatuloy ka sa liwanag. Mamuhay ka para kay Hesus. Huwag ka nang babalik sa kadiliman. Naririnig mo ako?”

Ngumiti siya at tumango. Tingin ko napangiti nga sya. Nilagay nya ang kanyang kamay sa noo, at sinaluduhan ako katulad ng isang sundalo. Tuluyang lumakad papalayo sa center, at maya maya pa, wala na sya.

Umuwi ako na lambong ng kalungkutan ang puso. Sa aking isipan nagtatanong, ano na ang mangyayari kay Joevel?

PAGBUBULAY-BULAY

Araw araw sa ating pagtungo sa ating trabaho o school tayo ay napapaligiran ng mga ibat-ibang tao who come from different walks of life and who have different religious beliefs. Bilang isang Kristiyano, natutunan ko na kailangan nating mag-ingat. We must take extra precautions to protect ourselves upang hindi tayo maimpluwensiyahan ng mga negatibong kaisipan na magdadala sa atin palayo sa Diyos.

Ang ating kaaway ang gagamit ng mga tao upang patuloy tayong ilayo sa kanya at mamuhay ng wala sa direksyon ng Diyos. Kung minsan pa nga ang mga taong ito ay susubukin an gating paniniwala at pananalig kay Hesus. Dahil dyan it is really important to protect our faith.

Here are 3 things you can and should do to protect yourself spiritually:

  1. Magbabad sa Salita ng Diyos – Sa pamamagitan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Salita ng Panginoon higit nating mauunawaan kung paano talaga ang maging isang tunay na anak ng Diyos. Also the Bible provides you with scripture, which can be great ammunition as you seek to protect your spiritual life.
  2. Patatagin ang buhay Panalangin- Ang panalangin ay nagsisilbing linya natin direkta sa Diyos. Pwede siyang tawagan anytime. The great thing about prayer is that it helps you to develop and maintain a God Consciousness, which makes you more sensitive to His voice and things around you.
  3. Laging makipagugnayan sa mga Kapwa-Mananampalataya- Bilang karagdagan sa Pag-aaral ng Bibliya at Pananalangin, we should try to connect with our Christian brethren in our workplace and school. This will help us fortify a sense of community and support system that we can rely upon.

Sigurado ako na ang tatlong prinsipyong ito ay magpapatatag sa ating pamumuhay Kristyano. Bunga nito, Malabo tayong maakit ng ating kaaway pabalik sa mundo …. so be encouraged because you now have the essentials you need to conquer the World!

PANALANGIN

“Panginoon, tulungan po ninyo akong maging matatag laban sa atake ng kaaway. Nawa ay maganap ko ang tatlong essential na Gawain ng Kristiyano upang hindi ako madaling magupo sa aking pananampalataya. Amen.”

KARUNUNGAN MULA SA SALITA NG DIYOS

“ Kayo ay gagawin Niyang matatag
hanggang wakas
upang matagpuan kayong walang kapintasan
sa araw ng Panginoong Hesu-Kristo”
I Corinto 1:8

“Magagawa ko ang lahat
sa pamamagitan ni Kristo
na nagbibigay kalakasan sa akin”
Filipos 4:13

Scroll to Top