Ang Batang si Jay

Umiiyak si Jay ng magpaalam ang kanyang social worker paalis sa Molave Center for boys. Dito nakadetain ang mga children in conflict with the law ( CICL). Nagmamakaawa na huwag siyang iwan doon. Mahigpit siyang kumapit sa kamay ng social worker, itinuturing na rin niyang ina-inahan, na si Maria.

Matapos ang mahabang proseso ng tanungan at imbestigasyon, kailangan niyang mabigyan ng disiplina bunga ng ginawa niyang panghahalay sa isang munting bata sa lugar na kanyang tinitirhan. Titigil siya sa Molave Center, kulungan ng mga menor de edad na kabataan, sa loob ng mahigit 6 na buwan.

“Nay! (tawag niya sa social worker) Huwag niyo po akong iwan dito! Dun na lang po ako sa atin. Kahit ano pong ipagawa sa akin, gagawin ko wag niyo lang po ako iwan dito. Nay, sama niyo napo ako.” Bumabalong ang luha sa kanyang mukha sa pagmamakaawa sa social worker.

Halos madurog ang puso ng social worker sa nakikita at naririnig niyang pagmamakaawa ng bata. Ngunit kailangan niyang maging matatag sa desisyong ilagak ang bata sa center for boys na pinatatakbo ng pamahalaan, kulungan ng mga batang lumabag sa batas.

“ Kailangan kasi nating gawin ito, para rin naman sa iyo dahil sa nangyari. Huwag kang mag-alala babalik kami dito. Bibisitahin ka namin palagi. Sandali lang naman tapos lalabas ka na rito.” A ni Maria bilang assurance kay Jay. Maya maya pa ay tumahan na siya sa kaiiyak at tumingin ng malamlam kay Maria.

“Sige Nay, pero bibisitahin niyo ako palagi ha. Pakisabi rin kay Pas at Nanay Jeh puntahan ako dito ha.” Tila walang malay na sinasabi iyon.

Lumabas na ng center ang Social worker na nangingilid ang luha sa kanyang mga mata sa awa sa bata.

Si Jay ay lumaki sa isang tahanan na walang gabay at kalinga ng mga magulang. Sa murang edad ay naranasan niya ang pait ng buhay. Pangungutya ng mga kalaro at pang-aapi ng mga taong nakakasalamuha niya. Hindi niya naramdaman ang pagmamahal at proteksyon ng isang pamilya. Iniwan ng ina sa murang edad at ang ama ay namatay sa sakit. Sa kanyang mga labi mismo nanggaling ang kwento tungkol sa kanyang mga magulang.

“ Noong bata pa po ako nagkasakit ng malubha ang tatay ko, tapos ang nanay ko ay sumama sa ibang lalaki. Wala pang isang taon, namatay ang tatay ko.” Kwento ni Jay na tila sinisisi ang nanay niya sa nangyari sa tatay niya.

“Tapos iniwan niya kami, yun, nagkahiwalay tuloy kaming lahat. Kami na lang ni Ben ang magkasama.” Habang nakayuko at nakatingin sa kanyang paa. Marahil ayaw niyang ipakita na nasasaktan siya habang ikinukwento ang buhay ng kanyang pamilya. Si Ben ang nakatatandang kapatid niya.

“ Hindi ko na rin alam kung nasaan na ang iba ko pang mga kapatid.” Dagdag pa niya.

Mula noon ay nanirahan sila sa kalye ng Naga, Camarines Sur. Paikot ikot sila sa lungsod na yun. Ang kanyang kapatid na si Ben ang naging kakampi niya sa lahat ng pakikipagsapalaran nila sa buhay kalye ng Naga. Nanghihingi, nanlilimos at nakikipag-away sa kapwa bata. Hanggang matuto silang mang-umit sa mga tao. Hindi na rin niya nalaman ang kinaroroonan ng kanyang dalawang kapatid na babae. Pilit nilang hinanap ang mga iyon subalit bigo silang magkapatid.

Sa edad na labindalawa (12), naranasan na ni Jay ang halos lahat ng bisyo sa kalye, sigarilyo, alak, sugal at drugs. Natuto rin siyang magnakaw at gumawa ng mga illegal na gawain upang mabuhay at may makain silang magkapatid. Ang kuya niya ang kasama niya sa lahat ng mga ito. Madalas din siyang mapaaway sa mga kasama niyang bata sa kalye at mga rambol o riot sa kanilang tambayan.

“Hindi madali ang buhay sa tambayan namin, Pas. Sa lansangan kailangan matapang ka at kaya mong sikmurain ang mga nakakasulasok na bagay. Matatag ka dapat, kasi maraming masasakit na pangyayaring daraanan dito.” Minsan sabi niya sa amin habang nagpapadaloy ako ng activity sa kanila. Naisip ko, bata siyang tingnan subalit matanda na siyang magisip. Bunga marahil ng mga mabibigat na karanasan niya sa buhay.

Sa tuwing mahuhuli sila ng mga alagad ng batas, dahil menor de edad, ihahatid sila sa Department Social Welfare and Development (DSWD) at dun ilalagak. Subalit saglit lang sila mananatili sa center ng DSWD Naga at ibabalik sa kinikilala nilang pamilya. At si Teresita na isang malayong kamag-anak ang katangi tanging pamilya ang babalikan nila. Madalas ay pinagsasabihan sila ng mga nito ng mga masasakit na salita at muling isusumbat ang ginawa ng kanilang ina sa kanilang pamilya. Bunga nito, lalayas na naman sila at babalik sa kalye. Sa ganito umiikot ang buhay nila.

Subalit isang gabi, habang naglilibot sila sa kalye,nadaanan sila ng mga pulis at dinampot, kasama ang iba pang mga batang kalye, bagansya ang ikinaso sa kanila. Dinala sila ulit sa DSWD at inilagak doon. Matapos ang ilang linggong pananatili doon ay inilipat sila sa Bahay Bagong Buhay Rehabilitation Center(BBBRC) sa Taguig, Metro Manila. Ito ay lugar ng mga batang gumagawa ng hindi ayon sa itinakdang kaayusan ng lipunan o labag sa batas, mga Children in Conflict with the Law (CICL).

Sa loob ng kanilang pagtigil sa institusyong iyon, naging mabuti naman ang kanilang pamumuhay. Nagkaroon ng konting laman ang ang pangangatawan dahil may kinakain sila araw-araw sa Center. Sa maikling panahon ng pagtigil sa BBBRC ay inirekomenda ng pamunuan na ilabas sila at ilagak sa isang pamilya na maaaring kumalinga sa kanila, ngunit wala na ring kamag-anak na maaaring sumalo, ang tiyahin niyang si Teresita ay tumanggi na silang tanggapin.

Ang social worker ng naturang institusyon ang nagrekomenda na ilagay sila sa Onesimo Foundation. Noong Pebrero, 2010 ay opisyal na naging kliyente ng Onesimo si Jay kasama ang kanyang kapatid na si Ben. Dumaan siya sa proseso ng pagpasok. Sa tulong ng mga staffs ay nakilala niya ang Diyos sa malalim na kaparaanan. Unti unting nagbago ang kanyang buhay. Hanggang sa tuluyan nang nawala sa kanya ang buhay na puno ng bisyo at kalikuan.

Ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya na magkakaron siya ng bagong buhay, inakala niyang hanggang sa huling hininga ng kanyang buhay ay mananatili silang walang pag-asa.

“Alam po ninyo? Ngayon ko lang naranasan ang ganitong buhay, may kumakalinga sa amin, may nagpapakain at binibigyan ng damit, lalo na yung may pagkakataon na makapagaral kami ng kapatid ko ng libre.” Minsan sabi niya kay Maria.

“Kaya dapat bigyan mo ng halaga ang bawat natatanggap mo sa Onesimo.” Tugon sa kanya ng Social worker.

“Hala Nay! Nagpapakabait na nga po ako ng todo eh.” Pagmamalaki niyang sagot. “Lagi po akong sumusunod sa mga staff, mabait na ako, Nay!” Dagdag pa niya.

Una kong nakita si Jay noong Pebrero 2010. Medyo maitim siya, halatang nasunog ang balat niya sa araw. Maraming sakit sa balat. Marahil ay nakuha niya ito sa pagtulog sa maruming lansangan. Tila mga sugat na dikit-dikit sa kanyang balat. Payat at tila malnourished pa rin bunga ng mahabang panahon na kulang sa pagkain. Tahimik lang siya. Hindi madalas nagsasalita maliban na lamang kapag kinakausap.

Inilagak siya sa Onesimo Center ng Tondo. Subalit ng lumaon ay inilipat sa isang Center sa Quezon City. May mga ugali si Jay na kung minsan ay hindi matanggap ng mga kasama niya sa Center. Pikon at madaling magalit lalo na kapag binibiro siya ng mga kasamahan.

Subalit sa kabila ng lahat ng ito, natatakpan ng mga kabutihan niya ang kanyang kahinaan. Sa Onesimo ay natutunan niyang alagaan ang kanyang sarili, maging malinis sa katawan at kalusugan. Natutong maging responsible sa mga gawaing naitalaga sa kanya sa Center. Kahit sa pagaaral ng Bibliya ay naging aktibo si Jay. Nag-enrol din siya sa eskwela (Alternative Learning System) at sa Skills Training (Vocational/Technical Course) Program at kumuha ng Electrical and Welding Course.

Lubos siyang nagpapasalamat sa maraming biyayang natatanggap sa Onesimo. Minsan sa isang Retreat, kung saan ay nabigyan siya ng pagkakataon na magpasalamat, umiiyak niyang nasabi sa lahat ng mga kasama niya, “Kung hindi ako tinanggap ng Onesimo ay hindi ko matitikman ang lahat ng ito. Isa na lang kahilingan ko, ang makasama ko ang lahat ng aking kapatid!” Umiiyak niyang nabanggit ang pangungusap na iyon.

Ngunit makalipas ang isang taon, umalis ng walang paalam sa Onesimo ang kapatid niyang si Ben. Pilit na hinanap ng mga staffs at social workers ng Onesimo ang kapatid. At sa huli ay natagpuan rin ito sa Tambakan sa Tondo. Bumalik sa dati niyang buhay.

Minsan ay dumalaw ito sa center at kinausap si Jay. Inakala ng houseparent na makakatulong ang pag-uusap na ito upang mahikayat na bumalik sa center. Subalit bigo na bumalik si Ben sa Onesimo, tuluyan nang nagkahiwalay ang magkapatid. Unti unti ay nagkaroon ng pagbabago kay Jay. Naging mainitin ang ulo, marami nang reklamo at hindi na kuntento sa mga ibat-ibang bagay. Epekto marahil ng pag-alis ng kuya niya.

Isang araw, nabalitaan na lamang namin na nasangkot si Jay sa kasong panghahalay o pangmomolestiya sa isang anim na taong gulang na batang babae. Kaya’t pinuntahan namin siya.

Katulad ng una namin siyang nakita, tahimik at hindi umiimik sa mga kumakausap sa kanya. Malungkot at tila laging tulala. Laging nakatingin sa kawalan. Nabatid namin na hinalay nga niya ang bata. Sa dulo ay inamin niya talaga ang ginawa. Pinroseso ang kaso at dahil menor de edad hindi siya maaaring ikulong sa mga kulungan ng matatanda. Matapos iayos ang pagtransfer niya sa Department of Social Welfare and Development ay tuluyan na siyang inihatid doon sa center ng mga bata.

Nalungkot kami sa pangyayaring ito. Nang sandaling si Jay ay naroon na sa center ng DSWD, tumawag sa akin si Maria at ipinaalam na naihatid na nga si Jay. Tila may balaraw na tumusok sa aking puso. Tumingin ako sa kawalan at nagtanong sa sarili ko, “Anong kinabukasan meron si Jay ngayon?”

Matapos ang isang Linggo ay dumalaw ang Social Worker sa DSWD center, kinumusta ang kalagayan ni Jay. Tulad ng dati, tahimik at hindi umiimik. Matapos bilinan ng maraming bagay, paalis na sana ang Social Worker biglang nagsalita si Jay,

“Nay! Lagi niyo kong dadalawin ha! Pakisabi kay Nanay at Pas sorry sa lahat ng nagawa ko at sana dalawin nila ako dito. Pakisabi rin sa pamilya ng bata na patawarin nila ako sa nagawa ko! Sorry!” Pamamaalam niya kay Maria..

PAGBUBULAY-BULAY

Pagpapatawad. Isang salita na madaling sabihin subalit mahirap gawin. Maraming nagsasabi na “Pinatawad na kita” ngunit kung sasaliksikin mo ang puso ng nagsabi one will find out na hindi totoo sa kanya ang pagpapatawad. Marahil ito ang dahilan kung bakit ikinuwento ng Panginoong Hesu-Kristo ang isang parable sa Mateo 18:21-35, upang bigyang diin ang kahalagahan ng pagpapatawad sa ating kapwa.

Sa talinghaga, itinuturo Niya ang pagpapatawad ng Diyos, bagamat ito ay ipinagkaloob sa tulad nating makasalanan ng libre, gayunpaman, batay sa kwento, nanatiling conditional, depende sa pagpapatawad natin sa ating kapwa. In other words, maaaring ang pagpapatawad ng Diyos ay ma-forfeit kapag nanatili sa ating ang puso ang di-nagpapatawad, o bitterness sa ating kapwa. (Mateo 6:14-15; Hebreo 12:15; Santiago 3:11,14)

Kung papansinin natin ang tinuran ni Pablo sa Efeso 4:31-32, alisin na natin sa ating mga sarili ang sama ng loob (bitterness), galit at poot. Matutong magpatawad kung paanong tayo ay pinatawad ng Diyos sa sandamakmak nating kasalanan. Sapagkat hindi iyon ayon sa ating pagkatawag bilang mga Kristyano.

Although tayo ay patatawarin sa ating mga pagkakamali. Wag sanang maging license ito upang tayo ay magpatuloy sa ating mga likong gawi. Tandaan na ang bawat kasalanan ay dapat na pagsisihan. Ang pagsisisi ay hindi damdamin na tulad ng pagdadalamhati sa nagawa mong mali. At kapag lumipas na ito ay maari mong gawin muli dahil wala na ang dalamhati sa damdamin mo.

Ang tunay na pagsisisi ay totoong pagdadalamhati ngunit may kaakibat na pagkilos at hindi na muling gagawin o babalikan ang kasalanang nacommit.

PANALANGIN

“Panginoon, salamat po sa inyong habag at ako ay pinatawad Ninyo sa aking mga kasalanan. Kung paanong ako ay inyong pinatawad tulungan po ninyo akong matutong magpatawad sa mga nagkamali sa akin. Amen.”

KARUNUNGAN MULA SA SALITA NG DIYOS

“Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkasala sa inyo,
patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit.
Ngunit kung hindi niyo pinapatawad ang iba,
hindi rin naman patatawarin ng Ama ang inyong mga kasalanan.”
Mateo 6:14-15

Scroll to Top