Isang araw ako’y nadalaw doon sa kabundukan
Sa piling ng mga kaibigan kong mga Mangyan
Mga nilalang na kinalimutan ng kasaysayan
Di ba’t sila’y nilikha rin ng Dakilang Maykapal
Namalas ng aking mata ang kanilang kahirapan
Kasalatang di maunawaan ng aking limitadong isipan
Pilit kong inunawa ang hirap na dinaranas nila
Datapwat ako’y bigo, ang tugon ay nasa kanilang kasaysayan
Ako man din ay lumaki at nagkaisip sa gitna ng karalitaan
Ngunit sa kabundukan ay higit halintulad sa kapatagan
Ako’y nabagbag, puso’y tila winarak, luha’y pumatak
Nagulumihanan ang utak, puso ko’y tila nagakasugat
Mga bago kong kaibigan di lamang naghihirap sa pamumuhay
May mga sakim na nilalang sa kanila’y unti-unting pumapatay
Sila’y pinagtawanan at nilait ng mga hambog na mayayaman
Lubos na inapi ng mga taong mapagsamantala
Mga Mangyan kong kaibigan itinuring na basahan
Tinulak ng lipunan patungo sa malungkot na kabundukan
Doon binuhat ang mabigat na pasanin ng buhay
Sa balikat nakaatang hanggang sila ay tuluyang mamatay
Marahil puso mo’t malambot at ikaw ay mahahabag
Sasabihin mong kawawa sila at damdamin mo’y mababagbag
Ikaw na may pandinig, dinggin mo ang katotohanan
Kaibigan kong mga Mangyan, Masaya sa kabila ng kahirapan
Baka naman, kaibigan, sa kabila ng iyong kasaganahan
Meron ka ng lahat, pagkain, damit at maayos na tahanan
Datapwat lungkot at gulo ay nakatira pa rin sa yong puso
Nilalang na kahabaghabag sa ibabaw ng mundo
Sakaling ikaw ay sa kabundukan doon ay maligaw
Mamalas ng mata ang kanilang kahirapan sa araw araw
Dalangin ko sana’y magkaroon ng pasanin sa yong balikat
Sa mga kaibigang Mangyan kamay mo ay iunat
Salamat kaibigan, maraming salamat